Friday, June 13, 2014

Walang Preno


Ito si tito Nani. Taga Nabas, Aklan. Ang bisikleta nya, lumang BMX na walang preno.
Ginagamit nya to araw-araw papuntang bayan. Ginagamit nya papuntang bukohan kung saan sya umaakyat sa mga puno para manguha ng mga buko para gawing suka at tuba. Ginagamit nya papuntang baybay dagat kung saan sya nagingisda. Ginagamit nya papunta kina kapitan pag duty nya nang mag tanod.

Walang preno ang bisikleta nya. Sabi ko sa kanya kailangan nya ng preno.  Sabi nya ok lang yan. Hindi ko naiintindihan kung bakit. Hanggang sa ginamit ko ang bisikleta nya.


Bilang isang taga Maynila, ang instinct ko pag nakakita ng kalsadang walang sasakyan ay bilisan ang pag padyak. Dito sa liblib na kalsada ng Nabas, walang kotse, walang jeep, walang bus, walang traysikel, walang mga kolorum na Ayala vans na nakikipagsiksikan para maka boundary.

Ako lang ang nasa kalsada. Sa akin lang ang daan. Dahil sanay ako sa Maynila, binilisan ko ang andar. Walang taong tumatawid. Binilisan ko pa. Walang mga tindero sa gitna. Pwede pang mas mabilis. 

Unti-unting kumipot ang daan. Naging mabato. Mga batong sinlalaki ng baseball. Kailangan ko nang bumagal. Delikado. Ang kaso, nakalimutan ko na wala nga palang preno ang gamit kong bisikleta.
Hindi ko alam kung paano hihinto. May nakita akong pader sa kaliwa. Inasinta ko. "Timing lang 'to" sabi ko sa sarili. Paglapit ng pader sinadsad ko ang manibela. Sumama ang kaliwang kamay ko sa pagsadsad.

Huminto nga ang bisikleta, duguan naman ang kamay ko.

Habang sinisipsip ang dugo sa daliri, naintindihan ko na kung bakit walang preno ang bisikleta ni tito Nani. Dito sa Nabas, hindi kailangang magmadali. Sa bagal ng buhay dito, kahit gaano ka-bagal ang bisikleta mo, makakarating ka sa pupuntahan mo. Makakarating ka sa bayan, sa bukohan, sa baybay at kina kapitan.

Hindi kailangang mabilis. Hindi kailangang busy ang bisikleta.








 

Thursday, June 12, 2014

Timba


Kahanga-hanga ang mamang ito. Timba, ginawang backpack. Sayang at hindi ko naitanong kung saan sya papunta at kung ano ang laman ng Timbackpack nya.

Thursday, June 5, 2014

Parking

Karaniwang view sa mga construction sites sa metro manila.
Malalaking building na tinatayo. Sa labas, parking ng bisikleta ng mga trabahador.
Pag natapos na ang condo/opisina, iiwan na nila ang parking na ito para mag bigay-daan sa mga Lexus, BMW, Aston Martin, Chrysler at Porsche.


Tuesday, May 27, 2014

Bike To Work

Nakasabay ko sa stop light ng Ayala at EDSA ang dalawang siklista.
Agad akong na-magnet sa bisikleta ng isa.
Classic road bike frame.
Light cream paint job with chocolate accents.
Brown leather bar tape at leather seat.
Silver mud guards.
At may custom made bike bag pa sa likod.
 


Sa intersection ng Ayala at EDSA, dito ko nakilala at naka-kwentuhan si Mon at Paul.
Kay Paul yung road bike.
Si Mon, naka folding mountain bike.
Ngayon lang ako nakakita ng folding bike na may rear suspension.
Astig.


Nagbibisikleta silang dalawa papasok sa trabaho mula Makati hanggang The Fort.
Ang trabaho nila, web design at advertising.
Tulad ng trabaho ko.
Sa kwentuhan, nalaman ko na isang mundo lang ang ginagalawan namin.
Kaibigan rin nila ang mga kaibigan ko sa trabaho.
Small world, ika nga.

Nakatuwang malaman na mayroon akong nakakasabay magbibisikleta papunta sa trabahong ikinabubuhay ko. 

Para kay Mon at Paul, mabuhay kayo.






Wednesday, May 21, 2014

Lactobacilli Shirota Strain

Dati ang Yakult Ladies nagtutulak lang ng stroller. Ngayon, naka-bisikleta na. High-tech!

Saturday, May 17, 2014

Premium Rush

Ganito ang itsura ng mga tipikal na bike messengers sa Manila. Naka-maong na pantalon. Sunog ang balat. Matanda. At ang bisikleta nila, luma. Hindi sila kasing cool ng mga bike messengers sa New York na ginampanan ni Joseph Gordon Levitt sa pelikulang Premium Rush.

Nakasabay ko ang mamang ito paakyat ng McKinley Hill sa Taguig. Pag dating sa tuktok, huminto sya. Hindi kinaya ang pinaghalong pagod at init ng araw. Kinamusta ko sya. Marami pa daw syang pupuntahan, pero kailangan muna magpahinga. Pagkadeliver nya sa Serendra, babalik pa sya ng Makati. Ganito ang buhay nya. Maghapon nasa bisikleta. Buong araw nasa kalsada. Naghahatid ng mga papeles, packages, demand letters, overdue bills, subpoenas, at kung anu-ano pang mahahalagang bagay na  hindi makakapag antay.

Thursday, May 15, 2014

Wednesday, May 14, 2014

Junk

Bulok na bisikleta, gamit pang karga ng mga bulok na bagay. 

Sunday, May 4, 2014

Padlock



"Putang ina mo! Papatayin kita!", sigaw ng mama pag silip nya sa bintana ng bahay nila. Naabutan nya sa aktong may nagnanakaw ng bisikleta nya gamit ang isang heavy duty bolt cutter. Sa Takot, kumaripas ng takbo ang magnanakaw. Naputol ang padlock pero hindi natangay ang bisikleta.

Locksmith ang mamang may-ari ng bisikletang ito. Heavy duty ang kadena at padlock nya. Kahit luma na at mumurahin ang bike, lalaban sya ng patayan sa sinumang magtatangkang magnakaw nito.

Thursday, May 1, 2014

Sponsored


Amateur racer si Roque. Sumasali sya sa mga karera sya mula Roxas Blvd hangang Antipolo. Ang bisikleta nya ay hardcore na road bike. Estudyante lang sya pero mamahalin ang parts. Shimano 105. Carbon fiber ang tinidor. Lightweight ang rims. Tinanong ko kung paano nya naa-afford ang ganito ka-gandang bike. "May nag-sponsor", sabi nya. Di ko na tinanong kung anong klaseng "sponsor".

Thursday, April 24, 2014

Gwardiyado


Security Guard si Mang Panta sa Makati. 46 years old. Apat na taon nang nagbi-bisikleta papasok sa trabaho. Ayon sa kanya, mula nung nagsimula syang mag bisikleta, unti unting nawala ang kanyang sakit na highblood.

Monday, April 21, 2014

From Saudi

Ito si Mang Nik. Naabutan kong nagpapaayos ng isang lumang lumang bisikleta sa Pandacan.
Dati daw syang nagtatrabaho sa Saudi at ang bisikletang ito ang isa sa mga naiuwi nyang gamit.
Napulot sa isang basurahan, napaglumaan ng Arabo, tinambak na lang at inabandona.
Gaya ng maraming Pinoy doon, nakita nya ito hindi isang basura kundi isang bagay na maaari nyang mapakinabangan pa. Inuwi nya sa Pilipinas noon pang 1989. Pagkatapos ng kontrata nya sa Saudi, sinakay nya ang bike sa barko, at si Mang Nik, sumakay sa eroplano. Nagkita na lang sila ulit dito na sa Pilipinas. Mula noon, ito na ang ginagamit nyang bisikleta sa pang araw araw na byahe sa Maynila.

Balot ng kalawang ang buong bike. Mula manibela hanggang rims ng gulong, wala yatang parte na hindi kinakalawang. Durog na rin ang mga bearings. Kumakalog kalog ang gulong. Halos hindi na makilala ang kadena. Walang preno. Matigas na at hindi maipihit ang levers ng kambyo.
Habang inaayos ng mekaniko, iniisip ko kung mapapakinabangan pa 'to. Mapapaandar pa kaya ito ng matino matapos ng ilang dekada ng serbisyo?

Pag tingin ko kay Mang Nik, puno sya ng pag asang mapapaandar pa ang bisikleta nyang 'to. Naintindihan ko sya. Tulad ng maraming Pilipino, sa Saudi man o dito, alam natin na hindi hadlang ang kalumaan para huminto sa pag andar. Naluma sa ibang lugar, pero pagdating dito sa atin, aandar pa din sya. Parang si Mang Nik.






Saturday, April 19, 2014

Eight Seventeen

Linggo ng Pagkabuhay. Alabang. Sakay sa bisikletang ito ang tindang skrambol.
Pinara ng sekyu. Nagkaliwaan. Limang piso at skrambol. Nag-ngitian ang dalawa bago naghiwalay.

Monday, April 14, 2014

Bulaklak at bike

Sa Our Lady of Loreto Church sa Sampaloc, may grupo ng mga tindera ng bulaklak. Magmula pa nung 90s yata, andun na sila. Mahigit dalawampung taon na silang naka-pwesto doon. Alam ko kasi bata pa lang kami, nakikita ko na sila doon pag nag-sisimba kami ng pamilya tuwing Linggo ng umaga. At naging kaibigan pa sila ng nanay at tatay ko nung panahong naging tindero ng religious items ang tatay ko sa simbahan na yun.

Malamang wala pa 'tong dalawang bisikleta noon. Mukhang medyo bago-bago pa. Pero halatang hindi naaalagaan. Moderno ang style, pero mukhang luma. Bagong "upholster" yung upuang kahoy sa batalya pero nababakbak na din ang ibang mga parte ng bisikleta.

Tulad ng maraming bagay sa simbahang ito, maraming bago pero luma. Mga bulaklak na sariwa, pero luma ang tindera. Bisikletang bago lang, pero kinakalawang na.

Thursday, April 10, 2014

Sideline


Construction worker si Jake sa Makati. Bukod sa pag tatrabaho bilang tagahalo ng semento, nagsa-sideline din sya na tindero ng mga meryenda. Ito ang laman ng balde na naka-kabit sa likod ng bisikleta nya. Mga carrioca, suman at kakanin. Mula San Andres Bukid, bina-bike nya ang site sa Makati, dala dala ang mabigat na balde na puno ng mga meryenda. Pagdating ng gabi, mas madali na ang byahe dahil halos wala nang laman. Kung may matira mang carrioca at suman, ito na din ang kakainin nya bago umuwi para may lakas pa syang mag bisikleta pauwi sa Maynila.

Monday, April 7, 2014

Tubig at Bike

Ito si Rommel. Labing pitong taong gulang. Nagtitinda ng tubig sa may Tejeron Street sa border ng Makati at Maynila. Ang bisikleta nya ay isang lumang BMX na kinabitan ng sidecar na yari sa tubo. Tipikal na sidecars na ginagamit sa pang deliver. Walang handles ang manibela, de-padyak ang preno. Araw-araw, pumupwesto sya dito sa harap ng Pure Gold para mag abang ng jeep na hihinto. Sa init ng Maynila, siguradong makakabenta sya sa mga drivers na uhaw.